MANILA, Philippines — Naisumite na ni national head coach Yeng Guiao ang 15-man line-up ng Team Pilipinas sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero.
Ibinunyag ni Guiao na kasama sa listahan si NBA veteran at naturalized center Andray Blatche na hindi niya kinuha sa dalawang sunod na kabiguan ng Nationals laban sa Kazakhstan at Iran sa fifth window noong Nobyembre.
“Andray Blatche is in the 15-man line-up, and we're hoping that he can come early if not in January at least first week of February we should be able to have him around and practice with him,” wika ni Guiao sa isang television interview.
Handang-handa naman ang 28-anyos na si Blatche na muling isuot ang uniporme ng Pilipinas.
Naisilbi na ng NBA forward ang kanyang three-game suspension sa kinasangkutang rambulan ng Gilas Pilipinas at Australia noong Hulyo sa fourth window sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Hindi kinuha ang serbisyo ng 6-foot-8 na si Blatche, natalo ang Team Pilipinas sa Kazakhstan, 88-92 at yumukod sa Iran, 70-78 na naghulog sa kanilang baraha sa 5-5 sa Group F.
Sina Fil-American point guard Stanley Pringle at 6'8 Fil-German center Christian Standhardinger ang ginamit ni Guiao sa nasabing dalawang home games ng Nationals.
Para makatiyak ng tiket sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China ay kailangang talunin ng Team Pilipinas ang Qatar sa Doha sa Pebrero 21 at ang Kazakhstan sa Almaty sa Pebrero 24.
Itinakda na ni Guiao ang ensayo ng Nationals sa Enero 21.