MANILA, Philippines — Sumosyo sa unang puwesto si Filipino chess wizard Jasper Concepcion Faeldonia sa pagtiklop ng 35th Singapore National Age Group Chess Championships sa Kallang Theatre sa Singapore Sports Hub noong Linggo.
Tinalo ng 14-anyos na si Faeldonia, isang grade 8 student sa Arellano University na ginagabayan nina National Master Rudy Ibanez at Odiongan, Romblon Mayor Trina Firmalo-Fabic, si Fook Weng Pheng ng Malaysia sa eight at final round.
Ginamit ni Faeldonia ang diskarteng Chebanenko Slav para igupo si Pheng sa 35 moves.
Ang Manila-based na si Faeldonia na tubong Odiongan, Romblon ang 2018 Philippine Age Group Under 14-champion.
Tumabla si Faeldonia kay top seed Sean Christian Goh ng Singapore sa magkatulad nilang 7 points sa walong laro.