SMB Alab dumiretso sa Singko

Nagsanib-puwersa sina Ethan Alvano at Josh Urbiztondo para maikonekta ng Beermen ang ikalimang sunod na panalo na nagpatatag sa kanila sa tuktok ng standings.
Celjoe Alakdan Sarona/facebook

MANILA, Philippines — Hindi maawat ang nagdedepensang San Miguel Alab Pilipinas nang ilampaso nito ang Zhuhai Wolf Warriors, 105-95 upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa Asean Basketball League (ABL) Season 9 nitong Linggo ng gabi sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Nagsanib-puwersa sina Ethan Alvano at Josh Urbiztondo para maikonekta ng Beermen ang ikalimang sunod na panalo na nagpatatag sa kanila sa tuktok ng standings.

Humakot si Alvano ng 21 puntos, pitong assists, apat na steals at dalawang rebounds habang kumana naman si Urbiztondo ng 19 markers tampok ang anim na three-pointers kasama pa ang anim na boards at dalawang assists.

Tuloy naman ang ma­gandang laro ni Puerto Rican import Renaldo Balkman na nagrehistro ng 21 points, pitong rebounds at limang assists gayundin si Most Valuable Player Ray Parks Jr. na nagdagdag ng 12 markers.

Pumukol ang bataan ni Beermen head coach Jimmy Alapag ng kabuuang 16 tres sa matikas na 41 percent shooting percen­tage ng tropa.

Patuloy na inaalat ang Wolf Warriors na nahulog sa 1-10 baraha.

Show comments