PSA pararangalan ang mga natatanging atleta
MANILA, Philippines — Ito na naman ang panahon kung saan pararangalan ang mga pinakamahuhusay sa Philippine sports sa nakalipas na taon sa pamamagitan ng pagdaraos ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa susunod na buwan.
Gagawin ang traditional gala sa Pebrero 26 sa Manila Hotel tampok ang pagkilala sa PSA Athlete of the Year.
Napag-usapan na ng PSA Board sa pangunguna ng presidente nitong si Dodo Catacutan ng SPIN.ph ang mga nominees para sa top honor at iba pang ibibigay na awards.
Ang apat na gold medal winners sa Indonesia Asian Games ang lumabas na top bets para sa PSA Athlete of the Year award.
Ang mga ito ay sina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal at ang golfing trio nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Ang nasabing apat na gold medals ng Filipina quartet ang pinakamaraming nakolekta ng bansa matapos ang parehong bilang na nakamit noong 2006 edition ng Asiad sa Doha, Qatar.
Sina world champions Jerwin Ancajas (boxing), Krizziah Lyn Tabora (bowling) at Carlo Biado (billiards) ang tumanggap ng PSA Athlete of the Year plum noong naaraang taon.
Binubuo ng mga editors, sportswriters at columnists mula sa print (broadsheet at tabloid) at online media, papangalanan din ng PSA ang kanilang regular President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association (NSA) of the Year at Lifetime Achievement Award.
Ang iba pang igagawad ay ang Mr. Basketball, Mr. and Ms. Volleyball at Mr. Football trophy.
Ang sports fraternity ng bansa, ang nasabing pinakamatandang media group na inilunsad noong 1949, ay magbibigay din ng mga Major Awards at Citations sa iba't ibang sports pati na ang Tony Siddayao Awards at MILO Junior Athletes of the Year para sa mga batang top achievers.
Ibibigay din ang Posthumous honor para sa mga athletes, officials at iba pang personalities na pumanaw noong 2018.
- Latest