MIAMI — Humataw si Kawhi Leonard ng 30 points habang ang three-point shot ni Danny Green sa huling 22.7 segundo ang sumelyo sa 106-104 panalo ng Toronto Raptors laban sa Heat.
Pinaganda ng Raptors ang kanilang baraha sa 26-10 para sa NBA best record.
Tumapos si Green na may 18 points kasunod ang 16 markers ni Fred VanVleet para sa Toronto na nalampasan ang paghahabol ng Miami sa fourth quarter.
Nagkaroon ang Heat ng tatlong posesyon kung saan naimintis nina Dwyane Wade at Justise Winslow ang kanilang mga tira.
Tumipa si Winslow ng 21 points para sa Miami, nagwakas ang five-game winning streak habang nagdagdag sina Josh Richardson at Hassan Whiteside ng 17 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa San Antonio, nagpasabog si DeMar DeRozan ng 30 points samantalang nagdagdag ng 27 markers si LaMarcus Aldridge para akayin ang Spurs sa 111-103 paggupo sa Denver Nuggets.
Nag-ambag si Bryn Forbes ng 15 points para sa San Antonio (19-16) na naipanalo ang walo sa huli nilang 10 laro.
Binanderahan ni Juancho Hernangomez ang Denver mula sa kanyang 27 points kasunod ang 22 at 15 markers nina Malik Beasley at Monte Morris, ayon sa pagkakasunod.
Sa New York, isinalpak ni Joe Harris ang kanyang tiebreaking layup sa huling 3.4 segundo sa second overtime para ihatid ang Brooklyn Nets sa 134-132 panalo sa Charlotte Hornets.
Nagtala si Harris ng season-high 27 points, samantalang humakot si Spencer Dinwiddie ng 37 points at 11 assists mula sa bench para sa Nets, naipanalo ang siyam sa huli nilang 10 asignatura.