Tatapusin na ng Hotshots

Agawan sa rebound sina Ian San­galang ng Mag­nolia at Jake Pascual ng Alaska sa Game 5 ng PBA Finals.
Jun Mendoza

Laro Ngayon(Ynares Center, Antipolo City)

7 p.m. Magnolia vs Alaska (Finals, Game 6)

MANILA, Philippines — Ito na ang pagkakataong hindi maaaring pa­kawalan ng Magnolia.

Hawak ang 3-2 bentahe, pipilitin ng Hotshots na tapusin ang kanilang championship series ng Alaska Aces para angkinin ang korona ng 2018 PBA Governor’s Cup.

Nakatakda ang bakbakan ngayong alas-7 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.

Ang game-winning jumper ni combo guard Paul Lee sa natitirang 1.3 segundo ang naglusot sa 79-78 panalo ng Magnolia laban sa Alaska para makalapit sa pagtiklop sa kanilang best-of-seven championship series.

“Ito ang pinaka-magandang regalong pwede namin ibigay sa sarili namin. The opportunity is there, so susubukin namin kunin,” sabi ni Hotshots coach Chito Victolero.

Bukod kay Lee, muli ring sasandigan ni Victolero sina import Romeo Travis, guards Mark Barroca at Jio Jalalon at forward Ian Sangalang laban kina Best Import Mike Harris, Vic Manuel, JVee Casio, Chris Banchero, Simon Enciso at Kevin Racal ng Aces.

Hangad ng Magnolia na tapusin ang kanilang apat na taong pagkauhaw sa korona para sa pang-14 sa kabuuan.

Ngunit inaasahang magpipilit ang Alaska na maitulak ang Game Seven na itatakda sa Biyernes sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Samantala, nakatakda namang ibigay ng Blackwater si No. 2 overall pick Bobby Ray Parks, Jr. sa Meralco kung saan sangkot din ang TNT Katropa sa isang three-team trade.

Makukuha ng Elite mula sa Texters sina guards Jericho Cruz at Brian Heruela, habang malalambat ng Bolts si Parks.

Si Meralco point guard Baser Amer ay dadalhin naman sa TNT Katropa bilang bahagi ng nasabing trade.

Nauna nang ibinigay ng Blackwater si big man JP Erram sa NLEX kapalit nina rookies Paul Desiderio at Abu Tratter.

Show comments