Aces binalikan ang Hotshots

Lumipad si Alaska import Mike Harris para sa kanyang layup sa Game 3 kagabi. (PBA Images)

Harris nagpasabog ng 36 points at 18 rebounds

MANILA, Philippines — Halos dalhin ni import Mike Harris sa kanyang mga balikat ang buong tropa ng Alaska.

Kumolekta ang NBA veteran ng 36 points, ang 22 rito ay iniskor niya sa third period, para banderahan ang Aces sa 100-71 pagresbak sa Magnolia Hotshots sa Game Three ng 2018 PBA Governo’s Cup Finals kagabi sa Yna­res Center sa Antipolo City.

Nagdagdag din si Haris ng 18 rebounds.

“My teammates did a good job of working the pick and roll,” wika ni Harris. “It started with our defense and the intensity of our guards.”

Naiwasan ng Alaska na mahulog sa 0-3 pagkakabaon sa kanilang best-of-seven championship series ng Magnolia.

Inangkin ng Hotshots ang 100-84 at 77-71 panalo sa Games One at Two, ayon sa pagkakasunod, para iwa­nan ang Aces sa 2-0.

Kinuha ng Magnolia ang 22-16 abante sa first period, habang humataw naman ang Alaska sa second quarter tampok ang 4-of-7 shooting ni Simon Enciso sa three-point range para itayo ang 17-point lead, 50-33, sa nalalabing 57.9 segundo.

Hindi pa natapos ang pananalasa ng Aces at sa likod ni Harris ay ipinoste ang 30-point advantage, 79-49, sa huling 1:43 minuto ng third quarter.

Nagsalpak ang 35-anyos na si Harris ng tatlong sunod na triple, ang isa ay isang four-point play kay import Romeo Travis.

Isinara ng tropa ni coach Alex Compton ang nasabing yugto bitbit ang 83-50 kalamangan at hindi na ipinasok si Harris sa final canto kagaya ni Travis.

Show comments