Jazz pinasabog ang Rockets; Celtics dinaig ang Knicks
SALT LAKE CITY — Naglista si Derrick Favors ng 24 points at 10 rebounds mula sa bench para tulungan ang Utah Jazz sa 118-91 panalo laban sa bisitang Houston Rockets.
Nalampasan ng Jazz ang pagkakasibak kay center Rudy Gobert para sa ikaapat na ratsada ng Utah sa huli nilang limang laro.
Nag-ambag si forward Joe Ingles ng 18 points at 6 rebounds para sa Utah (13-13).
Nalimitahan naman si star guard James Harden sa 15 points kasunod ang tig-12 markers nina Chris Paul at Clint Capela sa panig ng Houston (11-13).
Naglaro ang Jazz nang halos wala ang kanilang starting center na si Gobert matapos mapatalsik sa unang tatlong minuto sa first quarter dahil sa pagreklamo sa tawag ng referee.
Sa Boston, umiskor si Kyrie Irving ng 22 points bago niisan ang laro sa fourth period bunga ng right shoulder injury, habang nagtala si Al Horford ng 19 points at 12 rebounds para igiya ang Celtics sa 128-100 paglampaso sa bisitang New York Knicks.
Nagdagdag si Jaylen Brown, nagbalik sa laro matapos magkaroon ng bruised lower back, ng season-high 21 points para sa Boston.
Tumipa naman si Jayson Tatum ng 17 markers para sa ikaapat na sunod na panalo ng Celtics at binawian ang Knicks na tumalo sa kanila noong Nobyembre 21.
Pinamunuan naman ni Tim Hardaway Jr. ang New York mula sa kanyang 22 points, habang kumolekta si Enes Kanter ng 14 points at 11 rebounds.
Sa Portland, kumolekta si Damian Lillard ng 25 points at 8 assists bago ipinahinga sa final quarter para pamunuan ang Trail Blazers sa 108-86 paggupo sa Phoenix Suns.
Tinapos ng Blazers ang kanilang three-game losing slump.
Nag-ambag si Jake Layman ng career-high 24 points para sa Portland na naisuko ang anim sa huling pitong laban.
- Latest