2-0 lead asam ng Magnolia

Sinabi ni coach Chito Victolero na inaasahan niyang reresbak ang Alaska para maitabla ang kanilang best-of-seven championship series.

Alaska determinado namang maitabla ang serye

Laro Ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

7 p.m. Magnolia vs Alaska (Game 2, Finals)

MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagpitas sa 1-0 bentahe sa 2018 PBA Governor’s Cup Finals ay wala pang dapat ipagdiwang ang tropa ng Magnolia.

Sinabi ni coach Chito Victolero na inaasahan niyang reresbak ang Alaska para maitabla ang kanilang best-of-seven championship series.

“Kailangan naming mag-push pa because it’s a best-of-seven series. Isa pa lang nakukuha namin,” sabi ni Vic­tolero matapos kunin ng Hotshots ang 100-84 panalo la­ban sa Aces sa Game One noong Miyerkules.

Hangad ng Magnolia na maitayo ang 2-0 bentahe sa pagsagupa sa Alaska sa Game Two ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa nasabing panalo ng Hotshots sa series opener ay humakot si one-time PBA Best Import Romeo Travis ng 29 points at 13 rebounds.

 Nagdagdag naman ng pinagsamang 37 points sina guards Mark Barroca, Paul Lee at Jio Jalalon.

Binanderahan ni import Mike Harris ang  Aces mula sa kanyang 20 points at 15 rebounds, ngunit na­limitahan sa tatlong puntos sa final canto.

Tila wala rin sa kanilang mga porma sina Vic Manuel, Chris Banchero, JVee Casio at Simon Enciso.

“We did look very rusty. Hopefully, we'll be fresher Fri­day. I've got to tell our guys we're playing the team that's playing the best basketball team in the league right now,” wika ni mentor Alex Compton.

Kaagad ipinoste ng Magnolia ang 15-0 kalamangan sa Alaska patungo sa paglilista ng 21-point lead, 77-56, sa huling 10.8 segundo ng third period.

Naidikit ng Aces ang laro sa 76-84 sa huling apat na minuto ng laro hanggang magpakawala ng 11-2 atake ang Hotshots para muling makalayo sa 95-78 at tuluyan nang selyuhan ang panalo.

Show comments