Permanenteng 15-man team ipinanukala ni Yeng Guiao
MANILA, Philippines — Sa tuwing sasabak ang Pilipinas sa mga international basketball competitions ay palaging problema ang pagbuo ng pambansang koponan.
Kaya naman sinabi ni national head coach Yeng Guiao na panahon na para magkaroon ng permanenteng 15-man ang Team Pilipinas.
“Let’s just support those 15 (players) with time together, with international experience and competition, with training and exposure as a team,” panukala ni Guiao.
Nalagay sa panganib ang Nationals sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos mawalis ng mga bisitang Kazakhstan at Iran sa kanilang dalawang home games sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nahulog ang baraha ng Team Pilipinas sa 5-5 sa ilalim ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4) kasunod ang Kazakhstan (4-6) at Qatar (2-8) sa Group F, habang nasa Group E ang New Zealand (9-1), Korea (8-2), China (6-4), Lebanon (6-4), Jordan (5-5) at Syria (2-8).
Ang Top Three teams sa Group F at E kasama ang best-placed fourth team ang maglalaro sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China, ang seeded team.
Ang Australia, New Zealand at Korea ang tatlong Asian teams na nauna nang kumubra ng tiket para sa naturang world championships.
Para makapasok sa 2019 FIBA World Cup ay kailangang walisin ng Nationals ang laban sa mga Qataris at Kazakhs sa Pebrero ng susunod na taon sa sixth at final window ng Asian Qualifiers.
Dapat ding ipagdasal ng Nationals na matalo ang Japan sa alinman sa mga laro nito kotra sa Iran at Qatar.
Kasalukuyang sumasakay ang Akatsuki Five sa isang six-game winning streak.
- Latest