Chess, baseball sa TOPS forum

MANILA, Philippines — Tatalakayin ngayon sa “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) ang chess at baseball sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Inimbitahan para magbigay ng kanilang pananaw sa katayuan ng chess at sa pagsabak ng national  team sa 17th Asian Continental Chess Championships (2nd Manny Pacquiao Cup) sina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president Prospero “Butch” Pichay, Asia’s first GM Eugene Torre at GM Jayson Gonzales.

Nakatakda ang torneo sa Disyembre 9-19 sa Tiara Hotel sa Makati City na tatampukan ng mga chess masters mula sa 16 bansa at magsisilbing qualifying para sa World Chess Cup 2019 sa Khanty-Mansyisk, Russia.

Sasandigan ang Team Philippines nina GMs John Paul Gomez, Darwin Laylo at Joey Antonio, IMs Jan Emmanuel Garcia, Haridas Pascua, Marvin Miciano, Paolo Bersamina at bagong ASEAN seniors champion Chito Garma sa men’s division, gayundin si WGM Janelle Mae Frayna sa women’s class.

Magbibigay din ng kanilang mensahe ang bagong UAAP junior baseball champion Ateneo de Manila, sa pa­ngunguna ni sports director Randy Dizer. 

Winalis ng Ate­neo ang National University, 2-0, sa best-of-three se­ries sa Rizal Memorial Sports Stadium.

Nakatakda ang programa, suportado ng National Press Club, sa pamumuno ni Rolando ‘Lakay’ Gonzalo, sa alas-10 ng umaga.

Show comments