Giyera ng Alaska, Magnolia simula na
Laro Ngayon(MOA Arena, Pasay City)
7 p.m. Alaska vs Magnolia (Finals, Game 1)
MANILA, Philippines — Matapos ang 17-day break ay bubuksan ng Alaska at Magnolia ang kanilang inaabangang championship series.
Magtutuos ang Aces at Hotshots ngayong alas-7 ng gabi para sa Game One ng 2018 PBA Governor’s Cup Finals sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagbigay-daan ang liga para sa pagsabak ng Team Pilipinas sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa nasabing Pasay City venue.
Para kina Alaska coach Alex Compton at Magnolia mentor Chito Victolero, walang nabago sa kanilang mga line-up.
“This is the start of what I believe will be a tough and exciting finals series,” sabi ng 44-anyos na si Compton, naging teammate ng 43-anyos na si Victolero para sa Manila Metrostars sa Metropolitan Basketball Association noong 1998.
Huling naghari ang Aces noong 2013 PBA Commissioner’s Cup sa paggiya ni mentor Luigi Trillo, habang nagkampeon ang Hotshots noong 2014 PBA Governor’s Cup sa ilalim ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone.
“Ang kinaibahan lang siguro eh, parehong fresh ang dalawa, kaya baka mas mataas ang level ng labanan sa series na ito,” wika naman ni Victolero.
Maglalaro ang Alaska sa kanilang ika-31 finals stint at hangad ang pang-15 titulo, samantalang nasa kanilang pang-29 finals appearance ang Magnolia at target ang ika-14 korona.
Sina import Mike Harris, Vic Manuel, JVee Casio, Chris Banchero, Simon Enciso at Sonny Thoss ang muling ibabandera ng Aces katapat sina PBA Best Import Romeo Travis, Paul Lee, Ian Sangalang, at Mark Barroca.