Lady Chiefs, Lady Red Spikers iiwas madumihan

MANILA, Philippines — Patatatagin ng nagdedepensang Arellano University at San Beda University ang kapit sa liderato sa pagharap sa magkahiwalay na laban ngayong araw sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Titipanin ng Lady Chiefs ang Mapua University sa alas-2 ng hapon habang lalarga naman ang Lady Red Spikers kontra sa Lyceum of the Philippines sa alas-12 ng tanghali.

Nakatali sa three-way tie sa No. 1 ang Arellano, San Beda at San Sebastian College-Recoletos ta­ngan ang magkakatulad na 2-0 baraha.

Nailusot ng Lady Chiefs ang pahirapang 25-17, 20-25, 25-18, 18-25, 16-14 panalo laban sa College of St. Benilde upang maikonekta ang ikalawang sunod na panalo noong Martes.

Nanguna sa naturang panalo si Nicole Ebuen na humataw ng 22 puntos habang nagdagdag naman sina Princess Bello ng 18 markers at Season 94 Finals MVP Regine Anne Arocha ng 13 hits para sa Lady Chiefs.

“Our goal is just to get as many wins as we can and try to duplicate what we did last season,” ani Arellano head coach Obet Javier.

Sasagupain ng Arellano ang Mapua na uhaw sa panalo matapos matalo ang kanilang unang dalawang pagsalang.

Namayani naman ang San Beda sa Mapua 30-28, 25-17, 25-14 para kubrahin ang second win tampok ang pagbibida nina Maria Nieza Viray, Cesca Racraquin at Sattriani Espritu.

Maganda ang simula ng Lady Red Spikers.

Show comments