Laro Ngayon(MOA Arena, Pasay City)
7:30 p.m. Pilipinas vs Kazakhstan
MANILA, Philippines — Para mapalakas ang tsansang makakuha ng tiket para sa 2019 FIBA World Cup ay kailangan ng Team Pilipinas na talunin ang mga bisitang Kazakhstan at Iran sa fifth window ng Asian Qualifiers.
Para paghandaan ang mga Kazakhs at Iranians ay sumabak ang Nationals sa tig-dalawang tune-up games kontra sa mga Jordanians at Lebaneses na nagresulta sa kanilang isang panalo at tatlong kabiguan.
“We won one and lost three, but I'm pretty satisfied,” sabi ni national head coach Yeng Guiao. “I know that we can still improve. The room for improvement is really big. We need to adjust.”
Magtutuos ang Nationals at Kazakhs ngayong alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Laban sa Kazakhstan ay ipaparada ni Guiao sina LA Tenorio, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at Scottie Thompson ng Barangay Ginebra, four-time PBA MVP June Mar Fajardo, Alex Cabagnot at Marcio Lassiter ng San Miguel, Gabe Norwood at Beau Belga ng Rain or Shine, Poy Erram ng Blackwater, Phoenix shooter Matthew Wright at NorthPort point guard Stanley Pringle bilang naturalized player.
Nauna nang tinalo ng Nationals ang Kazakhs, 96-59 sa huli nilang paghaharap sa nakaraang 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia noong Agosto.
“Probably, they will be the same team. If there would be changes, maybe two or three players lang,” ani Guiao sa Kazakhstan. “Nagulat natin sila sa Asian Games, but this would be a different game.”
Tangan ng Pilipinas ang 5-3 baraha sa Group F ng Asian Qualifiers sa ilalim ng Australia (7-1) at Iran (6-2) kasunod ang Japan (4-4) at Kazakhstan (3-5) habang ang Group E ay binubuo ng New Zealand (7-1), Lebanon (6-2), South Korea (6-2) at Jordan (5-3).
Ang Top three teams mula sa dalawang grupo kasama ang best-placed fourth team ang kakatawan sa Asya para sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China.