Perpetual teams ayaw paawat sa pananalasa

MANILA, Philippines — Ibinuhos ng University of Perpetual Help System Dalta ang ngitngit nito sa Emilio Aguinaldo College matapos itarak ang 25-15, 25-8, 25-16 desisyon para sumampa sa win column ng NCAA Season 94 wo­men’s volleyball tournament kahapon sa Lyceum of the Philippines gym sa Intramuros, Manila.

Bumandera sina team Captain Maria Aurora Tripoli at Necelle Mae Gual nang magtala ito ng parehong siyam na puntos para hatakin ang Lady Altas sa 1-1 rekord.

Nagsumite naman si Cindy Imbo ng walong puntos habang nag-ambag si Shyra Mae Umandal ng pitong hits para tulungan ang Lady Altas na mabilis na makuha ang panalo sa larong tumagal lamang ng 49 minuto.

Matamis na resbak ito para sa Perpetual Help na lumasap ng 21-25, 26-24, 25-20, 24-26, 12-15 kabiguan sa San Beda University noong nakaraang linggo.

Sa men’s division, tuloy ang pananalasa ng Perpetual Help nang pasukuin nito ang Emilio Aguinaldo College, 25-20, 25-16, 25-23  upang masolo ang liderato.

Nagsanib-puwersa sina Ridzuan Muhali, Ronniel Rosales at Season 93 Rookie/MVP awardee Joebert Almodiel para manduhan ang Altas sa pagkopo ng ikalawang sunod na panalo.

Nauna nang pinatumba ng Perpetual Help ang San Beda sa iskor na 25-20, 25-23, 25-15 noong nakaraang linggo.

 Sa juniors, wagi rin ang Perpetual sa Emilio Aguinaldo, 25-19, 25-12, 25-16.

Show comments