MANILA, Philippines — Misyon ngayon ni coach Franz Pumaren na tapusin na ang mahabang 26 taon pagkatuyo sa Finals stint ng Adamson sa kanilang semifinal do-or-die battle kontra sa University of the Philippines bukas sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Pagkatapos ng semis, tuluy-tuloy na ang asam ng Soaring Falcons tungo sa pagsungkit sa kanilang ikalawang titulo, matapos ang una at tanging championship crown noong 1977 makaraang pumasok bilang regular member ng UAAP noong 1971.
Bunga nito, nanawagan si Pumaren ng suporta sa mga fans at alumni ng Adamson para tumbasan ang inaasahang pagdagsa ng UP followers kaya sinuspindi naman ni University President Fr. Marcelo V. Manimtim, C.M. ang klase at trabaho sa opisina ng eskwelahan simula sa alas-12 ng tanghali.
Umabot sa winner-take-all match ang kanilang semis duel matapos umiskor ang Nigerian na si Bright Akhuetie sa huling 2.6 segundo upang iangat ang third seed UP sa 73-71 panalo noong Sabado at burahin ang twice-to-beat bentahe ng San Marcelino-based team.
“We didn’t want to lose, but we have to move on. We have to get ready for Wednesday and make sure that we get the win so we can make it to the Finals,” ani Adamson top player Jerrick Ahanmisi.
Ang magwawagi sa Adamson at UP ay haharap sa nagdedepensang Ateneo sa finals.