Diay, 9 pa iluluklok sa Hall of Fame

Ganap ang kaligayahan ng ngayo’y 53-anyos na si De Vega-Mercado matapos mapabilang sa mga alamat sa kasaysayan ng sports sa bansa.

MANILA, Philippines — Pangungunahan ni dating Asia’s fastest woman na si Lydia de Vega-Mercado ang sampung Filipino sports heroes na iluluklok sa  ikatlong enshrinement sa Philippine Sports Hall of Fame ngayong araw sa Summit Hall ng Philippine International Convention Center.

Ganap ang kaligayahan ng ngayo’y 53-anyos na si De Vega-Mercado matapos mapabilang sa mga alamat sa kasaysayan ng sports sa bansa.

Ang tubong Meycauayan, Bulacan na si De Vega-Mercado ay reyna sa 100-m dash at 200-m dash sa Southeast Asian Games noong 1987, 1991 at 1993. Dalawang beses din niyang napanalunan ang gintong medalya sa centerpiece 100-m dash sa Asian Athletics Championships noong 1983 at 1987.

Dinomina rin ni “Diay” ang 100-m dash event sa Asian Games noong 1982 sa New Delhi, India at inulit pa niya sa 1986 Asiad sa Seoul, South Korea sa oras na 11.53 segundo kung saan tinawag siyang “Asia’s fastest woman.”

Bukod kay De Vega-Mercado ang iba pang paparangalan ay sina dating four-time bowling World Cup champion Paeng Nepomuceno, dating Sen. Ambrosio Padilla (basketball), Filomeno “Boy” Codiñera (sotfball at baseball), Olivia “Bong” Coo (bowling), Ben Arda (golf), Loreto Carbonell (basketball), Josephine de la Vina (athletics) Lita de la Rosa (bowling) at Erbito Salavarria (boxing).

Show comments