CHARLOTTE, N.C. — Nagpasabog si guard Kemba Walker ng 43 points at bumangon ang Hornets mula sa double-deficit sa fourth quarter para balikan ang Boston Celtics, 117-112.
Nauna nang humataw si Walker ng NBA season-best na 60 points sa overtime loss ng Charlotte laban sa Philadelphia 76ers noong Sabado.
Sinapawan ni Walker, umiskor ng 21 markers sa fourth quarter, si Kyrie Irving, tumapos na may 27 points at 11 assists sa panig ng Boston.
Nagdagdag sina Jeremy Lamb at Willy Hernangomez ng 18 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, para sa unang panalo ng Hornets sa pitong beses nilang pagtutuos ng Celtics.
Sa Detroit, humakot si center Andre Drummond ng 23 points at 16 rebounds para tulungan ang Pistons sa pag-angkin sa 113-102 panalo laban sa bisitang Cleveland Cavaliers.
Nagdagdag si Blake Griffin ng 21 points at 12 rebounds para sa Detroit habang may 21 markers si Reggie Bullock.
Nahulog naman sa 2-13 baraha ang Cavaliers bago ang kanilang reunion kay LeBron James ng Los Angeles Lakers bukas sa Cleveland.
Sa Memphis, tumipa si guard Mike Conley ng 28 points at kumoelkta si Marc Gasol ng 17 points at 15 rebounds para akayin ang Grizzlies sa 98-88 paggupo sa bisitang Dallas Mavericks.