Pacquiao-Broner magkikita na sa New York
MANILA, Philippines — Kung walang ibang masamang iniisip si American world four-division titlist Adrien Broner ay inaasahang magiging mapayapa ang press conference nila ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Nakatakdang magkita ang 39-anyos na si Pacquiao at ang 29-anyos na si Broner ngayon sa New York City para opisyal na ihayag ang detalye ng kanilang laban sa Enero 19 sa Las Vegas, Nevada.
Itataya ni Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) ang suot na World Boxing Association welterweight crown laban kay Broner (33-3-1, 24 KOs) na kilalang ‘bad boy’ sa mundo ng boxing.
Kinabukasan ay dadalhin naman ang press conference nina Pacquiao at Broner sa Los Angeles, California.
Noong Oktubre ay pumirma si Pacquiao sa Premier Boxing Champions ni Al Haymon, ang long time adviser ni Floyd Mayweather Jr. (50-0-0, 27 KOs), para mabigyan ang mga boksingero ng kanyang MP Promotions ng pagkakataong makalaban sa US.
Sakaling manalo kay Broner ay inaasahang maitatakda ang rematch ni Pacquiao kay Mayweather na tumalo kay ‘Pacman’ sa kanilang super fight noong 2015.
Nakuha ni Pacquiao ang WBA world welterweight title ni Lucas Matthysse (39-5, 36 KOs) matapos kunin ang seventh-round TKO victory noong Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Huli namang lumaban si Broner noong Abril 21 na nagresulta sa isang 12-round majority draw kay Jessie Vargas (28-2-2, 10 KOs) sa Barclays Center sa Brooklyn.
- Latest