MANILA, Philippines — Itataya ng reigning champion Petron ang imakuladang rekord nito laban sa Sta. Lucia Realty sa pagpapatuloy ng PSL All-Filipino Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Magtatagpo ang Blaze Spikers at Lady Realtors sa alas-4:15 ng hapon habang puntirya ng Foton na makabawi sa masaklap na kabiguan sa F2 Logistics sa pakikipagtipan nito sa Cocolife sa alas-2.
Lalarga rin ang duwelo ng Cignal at Smart Giga Hitters sa alas-7 ng gabi.
Nakasakay sa five-game winning streak ang Petron kabilang ang 25-22, 25-16, 25-19 demolisyon sa Cignal noong Sabado sa Caloocan Sports Complex.
Sa kabila ng mataas na momento, wala sa isip ng Blaze Spikers na maging kumpiyansa.
“Marami pa kaming dapat ayusin sa team kaya kailangan pa rin naming magsipag sa training,” wika ni Petron middle hitter Mika Reyes.
Maliban kay Reyes, aasahan din ng Petron sina wing spikers Ces Molina, Sisi Rondina at Bernadeth Pons gayundin sina Aiza Maizo-Pontillas, Remy Palma at veteran playmaker Rhea Dimaculangan.
Wala pa ring panalo ang Lady Realtors sa anim na laro. Yumuko ang Sta. Lucia sa Cocolife sa kanilang huling pagsalang.
Kaya naman uhaw ang Lady Realtors na makasampa sa win column para magkaroon ng magandang momento bago sumalang sa second round.
Papalo para sa Sta. Lucia sina Jhoana Maraguinot, team captain Pamela Lastimosa at middle blocker Mic Mic Laborte.