MANILA, Philippines — Mas malakas ang tsansa ng mga siklistang Pinoy na makasali sa 2020 Tokyo Olympics kung gagawing continental team ang Team Go For Gold cycling squad.
Sinabi ni Go For Gold godfather Jeremy Go na ang kanilang desisyon ay sa tamang daan kaya mas marami na silang napanalunan na medalya sa iba’t ibang international competitions.
“I believe it’s the next logical step in order to improve our cyclists. This will allow us access to bigger competitions, which we can use to gauge our performance,’’ pahayag ni Go.
Sa pangunguna nina Go For Gold riders Jonel Carcueva, Ronnel Hualda, Jay Lampawog, Daniel Carino, Boots Ryan Cayubit at Rex Luis Krog kabilang sa kanilang tina-target na sasalihan sa susunod na taon simula sa Enero ay ang Tour de Indonesia.
Kasama rin sa koponan sina Ismael Grospe Jr., Ronnilan Quita, Elmer Navarro, Jericho Jay Lucero at Joshua Bonifacio sa continental team na maagang magsasanay para sa kampanya sa taong 2019 kabilang na ang mas-mahirap na UCI 2.1 category races.
Ayon kay Go For Gold project director Ednalyn Hualda, ang kanilang pagsali sa mga continental competitions ay para makakuha ng mas maraming UCI points para makasali sa 2020 Tokyo Olympics.
Mahigit 10 international races ang kanilang puntirya na salihan bawat taon at bawat siklista ay sasabak sa mahigit pitong karera.
Ang five-stage Tour de Indonesia ay nasa kategoryang UCI 2.1 race na halos kapareho rin sa Tour de Langkawi sa Malaysia.