Laban ni Mayweather kay Nasukawa tuloy na

Isiniwalat ni Sakakibara ang balita sa kanyang Twitter account kung saan nakipagpulong na aniya ang kanyang grupo sa kampo ni Mayweather at maayos na nagkasundo para matuloy ang laban.

MANILA, Philippines — Pormal nang inihayag ni mixed martial arts RIZIN promotions CEO Nobuyuki Sakakibara na tuloy ang laban nina undefeated American boxer Floyd Mayweather Jr. at Japanese kickboxer Tenshin Nasukawa sa Disyembre 31 sa Saitama, Japan.

Isiniwalat ni Sakakibara ang balita sa kanyang Twitter account kung saan nakipagpulong na aniya ang kanyang grupo sa kampo ni Mayweather at maayos na nagkasundo para matuloy ang laban.

Nagkaroon lamang umano ng misunderstanding dahilan upang ihayag ni Mayweather sa kanyang Instagram account kamakailan na walang negosasyong nabuo.

“Misunderstanding with Floyd Mayweather has been resolved. He will face off against Tenshin Nasukawa on December 31, New Year’s Eve,” ayon kay Sakakibara sa kanyang statement sa kanyang Twitter account.

Nag-post pa ito ng larawan kasama si Mayweather bilang patunay na naayos na ang gusot.

Kinumpirma naman ito ni Mayweather base sa panayam ng TMZ Sports.

“We’re going to make it happen. It’s a no-brainer,” ani Mayweather kung saan nilinaw din nito na ang nasabing laban ay isa lamang boxing exhibition. (CCo)

Show comments