MANILA, Philippines — Matikas na pinagbagsak ng BanKo Perlas ang dating kampeong Pocari-Air Force, 27-25, 19-25, 25-16, 25-20 upang makahirit ng silya sa Final Four ng Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Umarangkada ng husto para sa Perlas Spikers si open hitter Amanda Villanueva na naglista ng 17 attacks, tatlong aces at dalawang blocks kasama ang 15 excellent receptions para buhatin ang kanilang tropa sa ikasiyam na panalo sa 12 laro.
Makakasama ng BanKo Perlas sa semis ang nangungunang Ateneo de Manila University na may 10-3 kartada.
Masuwerte ang Perlas Spikers na pumutok si Villanueva dahil wala si starting outside hitter Nicole Tiamzon na nagpapagaling sa kanyang injury habang hindi rin kagandahan ang laro ni Dzi Gervacio.
“I think it’s about trusting each other and playing as one. Having a unified goal and that is to be a part of the Final Four I think that’s more than enough. Kapag nagta-trust sayo ang teammates mo it (consistency) will come. Hindi mo na kailangan ipilit,” ani Villanueva.
Nakatuwang ni Villanueva sa opensa sina middle hitters Joy Dacoron at Kat Bersola gayundin si opposite spiker Sue Roces na nagbigay ng ilang importanteng puntos sa fourth set.
Nanganganib na masibak ang Lady Warriors na nahulog sa 5-7 baraha.
Kinakailangan ng Lady Warriors na maipanalo ang kanilang dalawang huling laro at umasa na matalo ang Petro Gazz (6-5) sa mga susunod na laban para mapalakas ang kanilang tsansa sa semis.