Dula, Eroy, Evangelista nanguna sa MOS awardees

Nanguna sa listahan sina Marc Bryan Dula ng Masville Elementary School-Parañaque, Kiara Eroy ng Dipolog Blue Marlins at Aishel Cid Evangelista ng West Manila Christian School na namayagpag sa kani-kanilang kategorya.
File Photo

MANILA, Philippines — May 20 tankers ang ginawaran ng Most Outstanding Swimmer (MOS) awards sa 147th Philippine Swimming League (PSL) National Championships na ginanap sa Dipolog City Sports Complex sa Olingan, Dipolog City.

Nanguna sa listahan sina Marc Bryan Dula ng Masville Elementary School-Parañaque, Kiara Eroy ng Dipolog Blue Marlins at Aishel Cid Evangelista ng West Manila Christian School na namayagpag sa kani-kanilang kategorya.

Nakalikom si Dula ng 137 puntos para pagharian ang boys’ 11-year division habang nagreyna naman si Eroy sa girls’ 13-year event matapos umani ng 140 puntos gayundin si Evangelista na namayagpag naman sa boys’ 8-year class bunsod ng nakuha nitong 120 puntos.

Wagi rin ng MOS awards sina Micaela Jasmine Mojdeh (girls’ 12-year), Izyndro Warain (boys’ 10-year), Cyrryl Vallar (boys’ 15-over) at Ione Chanty Nacaytuna (girls’ 6-under) sa torneong suportado ng MX3, Dipolog Mayor Dexter Uy  at Dipolog Aqua Warriors coaches Ted Quijano at Cora Quijano.

Nangibabaw din sina Kiara Acierto (8), Lia Pabellon (9), Mary Maika Montecillo (10), Saira Pabellon (11), Nicole Rojo (14) at Kelsie Jaudian (15-over) sa girls.

Nakahirit din ng MOS sa boys sina Jibril Talosig (6-under), Josef Tiu (7), Myel Lisondra at Romeo Tiu (9), Jehu Alguno (12), Reu Rome Tiu (13) at John Alexander Talosig (14).

 

Show comments