MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagkawala ng ilan key players, hindi nababahala si San Beda University head coach Boyet Fernandez sa pagdepensa ng kanilang kampeonato sa NCAA men’s basketball tournament sa susunod na taon.
Mawawala na sa lineup sina dating Finals MVP Robert Bolick, Season 94 Finals MVP Javee Mocon, Joe Presbitero, Radge Tongco at Jeramer Cabanag kaya’t malaking puwang ang kailangang punan ni Fernandez.
Alam ni Fernandez na mahirap palitan ang mga graduating players.
Subalit naniniwala ito sa kakayahan ng mga matitirang manlalaro na handa aniyang mag-step up para sa susunod na season.
“It will be tough without Robert, without Javee, without Joe, Jeramer and Radge. But again, that’s the reality in collegiate basketball. There will always be players who will graduate. We’ll be ready for that. I’m sure there will be other players who will step up in their positions,” ani Fernandez.
Ilan sa mga tinukoy ni Fernandez si Clint Doliguez na tunay na nagpakitang-gilas sa taon na ito kung saan nakalikom pa ito ng 14 puntos sa 71-56 panalo ng Red Lions sa Lyceum Pirates sa Game 2 ng finals noong Lunes.
“I’m happy for Clint. He came in, he had a turnover right away but he came back, made a three, made a rebound, made a stop then that’s it. It changed his mentality in the game,” ani Fernandez.
Aasahan din ng San Beda sina AC Soberano, James Canlas, Franz Abuda at Evan Nelle gayundin si Cameroonian center Donald Tankoua na nangako nang magbabalik para sa kanyang final playing year sa liga.