Perez suspendido sa game 1
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang nagdedepensang San Beda University at Lyceum of the Philippines na makalapit sa kampeonato sa paglarga ng Game 1 ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament best-of-three championship series ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ngunit mas mapapagaan ang trabaho ng Red Lions matapos suspendihin ng liga si Lyceum ace CJ Perez dahil sa kabiguan nitong ipaalam sa NCAA Management Committee ang kanyang pagsabak sa PBA Rookie Draft.
Malaking kawalan si Perez na may averages na 18.7 points, 8.4 rebounds, apat na assists at 3.3 steals sa eliminasyon.
Nakatakda ang inaabangang salpukan ng Red Lions at Pirates sa alas-4 matapos ang series opener sa pagitan ng Mapua at College of Saint Benilde-La Salle Greenhills sa alas-2 sa kanilang sariling best-of-three championship showdown sa juniors division.
Naiselyo ng San Beda at Lyceum ang kanilang muling pagtutuos sa finals matapos patumbahin ang kani-kanilang karibal sa Final Four.
Iginupo ng Lions ang University of Perpetual Help System Dalta, 83-72 habang namayani naman ang Pirates kontra sa Letran, 109-85.
Babanderahan ang Lions nina Robert Bolick, Donald Tankoua at Javee Mocon--ang tatlong pangunahing pinagkukunan ng lakas ng Mendiola-based squad.
Sa kabilang banda, doble kayod ang gagawin nina Mike Nzessue at Marcelino twins Jaycee at Jayvee para punan ang nabakanteng puwesto ni Perez.
Maganda ang mga numero ng Lyceum.
No. 1 ito sa steals (192) gayundin sa fastbreak points (349).
Sa kabilang banda, solido ang depensa ng San Beda na tanging 62.7 points lamang ang nagagawa ng kanilang mga karibal sa 18 laro.