Donaire na-TKO si Burnett

Suot ni Nonito Donaire ang WBA bantamweight belt.

Kampeon sa WBA bantam division

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang World Boxing Association bantamweight title matapos maitala ang fourth-round technical knockout win laban kay Ryan Burnett sa SSE Hydro sa Glasgow, Scotland.

Umaatikabong bakba­kan ang nasilayan sa u­nang tatlong yugto ng laban kung saan nagpa­kawala ng matatalim na suntok si Burnett na sinabayan ni Donaire ng malakas na atake.

Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Burnett bago maramdaman ang pananakit sa kanang likod at tuluyang mapaluhod dahil sa matin­ding sakit.

Bago magsimula ang fifth round, nagdesisyon na si referee Howard Foster na itigil na ang laban upang hindi na lubos na maagrabyado ang injury na tinamo ni Burnett.

“Age is nothing but a number. He was fast, strong and caught me with some good punches. I came into this fight as the bigger guy and my coaches snapped me out of it and told me to box. I then started to use my speed and fight the way I usually do, which is the Filipino Flash,” ani Donaire.

Agad na inilabas si Burnett sa venue gamit ang stretcher.

Pinuri ni Donaire ang ipinamalas na husay ni Burnett.

Napaganda ni Donaire ang rekord nito sa 39-5 tampok ang 25 knockouts habang lumasap si Burnett ng unang kabiguan para mahulog sa 19-1.

Ito ang unang TKO ni Donaire sapul noong itinala ang third-round technical knockout win kay Zsolt Bedak ng Hungary noong Nobyembre 5, 2016 sa Cebu City.

Sunod na makakalaban ni Donaire si reigning World Boxing Organization (WBO) bantamweight titleholder Zolani Tete ng South Africa sa semifinals ng World Boxing Super Series (WBSS).

Show comments