MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang matinding paluan tampok ang matitikas na volleyball players sa bansa sa paglarga ng PSL All-Filipino Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Tatlong laro ang agad na papalo tampok sa pangunguna ng Petron na sisimulan ang pagdepensa sa titulo sa pagharap nito kontra Cocolife sa alas-4:15.
Nakatakda rin ang laban ng Smart at Sta. Lucia sa alas-2 gayundin ang pukpukan ng F2 Logistics at Cignal sa alas-7 ng gabi.
Solido ang lineup ng Petron dahil magbabalik-aksiyon na si Ces Molina na galing sa ilang buwang pahinga dahil sa injury.
Kinuha pa ng Blaze Spikers si Ging Balse upang higit pang palakasin ang kanilang opensa kasama sina Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Remy Palma at Camela Tunay.
Sa kabilang banda, bagito ang Cocolife ngunit may taglay itong bangis matapos sumailalim sa matinding training kasama si Serbian mentor Moro Branislav.
Mamanduhan nina Justine Tiu at Gyra Barroga ang atake ng Asset Managers kasama sina middle hitters Aerieal Patnongon, Shannen Palec, Erika Alkuino at Arianna Angustia.
Puntirya naman ng F2 Logistics na mabawi ang korona matapos itong maagaw ng Petron noong nakaraang taon.
Gaya ng Petron, paborito rin ang Cargo Movers na galing sa kampeonato sa Invitational Conference.
Kukuha ng lakas ang Cargo Movers kina Aby Maraño, Cha Cruz, Majoy Baron, Ara Galang, Dawn Macandili, Kianna Dy, Kim Fajardo kasama ang ilang De La Salle University players.