Aces swak sa bonus
MANILA, Philippines — Nadiskaril man sa huli nilang laro, hindi na hinayaan ng Alaska na mapurnada ang pagpitas sa ikalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.
Ipinagpag ng Aces ang sibak nang NorthPort Batang Pier, 95-85 para makapasok sa Top Four ng 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang Alaska mula sa 110-116 overtime loss sa NLEX para itaas ang kanilang 8-3 baraha habang nalasap ng NorthPort ang pang-siyam na kabiguan sa 11 laban.
Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod.
“This is my first time over here so I don’t really care about that,” sabi ni import Mike Harris, nagtala ng 27 points at 25 rebounds para sa tropa ni coach Alex Compton. “The Top Four has a twice to beat incentive. It’s good to be on that side.”
Kinuha ng Batang Pier ang 47-41 abante sa halftime bago naghulog ang Aces ng 14-4 bomba para agawin ang unahan sa 55-51 tampok ang layup ni Chris Banchero sa 4:38 ng third period.
Mula sa 76-76 pagtabla ng NorthPort sa gitna ng fourth quarter ay nagpakawala ang Alaska ng 13-0 atake sa likod nina import Mike Harris, Vic Manuel, Kevin Racal at Banchero para sa kanilang 13-point lead, 89-76 sa huling 2:04 minuto ng laro.
Kasalukuyan pang naglalaban ang nagdedepensang Barangay Ginebra Gin Kings at Magnolia Hotshots habang sinusulat ito.
Samantala, muling papagitna ang mga aksyon sa Nobyembre 3 sa bakbakan ng NLEX (5-5) at sibak nang Rain or Shine (2-8) sa alas-4:30 ng hapon kasunod ang laro ng San Miguel (6-4) at Meralco (4-6) sa alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest