MANILA, Philippines — Muling nagwagi ang Adamson kontra sa University of the Philippines, 80-72 kahapon upang makasiguro ng playoff para sa huling semifinal berth sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Umani si Jerrick Ahanmisi ng 24 puntos, anim na rebounds at tatlong assists habang si Jerom Lastimosa ay tumulong ng 14 puntos, isang rebound at apat na assists para sa kanilang ikalawang panalo sa Fighting Maroons, ang una ay 69-68 noong Sept. 26.
Bagama’t tumapos lamang ng isang rebound si Papi Sarr, sapat na ang kanyang 12 puntos para makopo ng Soaring Falcons ang pang-walong panalo sa sampung laro at makasiguro ng playoff para sa fourth semis berth.
Sa panalo ng Adamson, pormal na ring pumasok ang nagdedepensa at solo leader na Ateneo sa Final Four sa kanilang 9-2 win-loss kartada.
Hindi na kayang umabot pa sa 9 wins ang magkatabla sa fifth spot na FEU (5-6) at UP (5-6) dahil kapwa mayroon na lang silang tatlong larong nalalabi sa elims at hanggang walong panalo na lamang ang kanilang puwedeng makuha kaya hawak na ng Ateneo ang unang semis slot .
Sa iba pang laro, tinapos na ng University of Santo Tomas ang pag-asa ng University of the East na pumasok sa Final Four matapos ang kanilang 79-68 panalo para umangat sa solo fourth spot sa 5-5 win-loss kartada.
Dahil sa kanilang talo, nanatili ang Recto-based Red Warriors sa ilalim ng standing sa 1-10 win-loss kartada at kahit mananalo pa sila sa huling tatlong laro sa elimination round hanggang apat na panalo na lang ang makakaya nilang abutin.