Bedans vs Lyceum sa finals
MANILA, Philippines — Muling magtutuos ang Lyceum of the Philippines at San Beda University sa finals matapos pabagsakin ang kani-kanilang karibal sa Final Four kahapon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Unang umariba ang Lyceum nang ilampaso nito ang Colegio de San Juan de Letran sa bendisyon ng 109-85 demolisyon upang masikwat ang unang silya sa finals.
Halimaw ang inilaro ni Mike Nzeusseu na bumanat ng double-double na 23 points at 17 rebounds habang apat pang Pirates ang nagsumite ng double digits para buhatin ang kanilang tropa pabalik sa finals.
Naglista si reigning MVP CJ Perez ng 19 markers samantalang may tig-15 puntos sina Jaycee Marcelino at Spencer Pretta at 11 naman galing kay MJ Ayaay.
“What’s important for us is we have to dictate the tempo. These kids are really driven not only for the school but for everyone who supports us. The agenda is winning the game. We stuck to the purpose and we stuck together. It’s really a blessing to be in the finals,” ani Lyceum mentor Topex Robinson.
Nanguna para sa Knights si Larry Muyang na may 21 points at 12 boards habang tinapos ni Bong Quinto ang collegiate career nito tangan ang 12 markers, pitong assists at anim na rebounds.
Agad namang sumunod sa finals ang San Beda nang pataubin nito ang University of Pepetual Help System Dalta, 83-72 sa hiwalay na Final Four match.
Ito ang ika-13 sunod na finals appearance ng Red Lions.
- Latest