UE tinambakan
MANILA, Philippines — Nasungkit muli ng nag-dedepensang Ateneo ang solo top spot matapos tambakan ang University of the East, 90-70 kahapon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala na naman ng double-double performance ang Ivorian na si Angelo Kouame sa kanyang 18 puntos, 16 rebounds at tatlong blocks sa loob lamang ng 21 minuto na paglalaro habang si Tyler Tio ay umiskor ng career-high 16 puntos para makopo ng Ateneo ang pang-walong panalo sa sampung laro.
Bukod kay 6’10 Kouame at Tio, umiskor din ng 14 puntos si Raffy Verano habang si Jolo Mendoza ay tumulong ng sampu para sa kanilang ikalawang demolisyon sa Red Warriors, ang una ay 89-62 sa first round ng elimination noong Sept. 26.
Sa kanyang pagbabalik mula sa one-game suspension, umani rin ng sampung puntos, limang rebounds, apat na assists at isang steal si Thirdy Ravena para sa Ateneo na patuloy pa ring nangungulila sa injured na Nieto twins na sina Matt at Mike.
“Generally we’re happy with our offense, we’re gonna take a look at our defense in the third quarter. We’re happy we came up with a win now we have to study this game and prepare for the next game,” ani Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.
Agad umangat ang tropa ni coach Tab Baldwin sa 57-24 kalamangan at mula dito mistula na lang silang namamasyal sa parke tungo sa pagpapalasap sa Red Warriors ng kanilang pang-siyam na talo sa sampung laro.
“We had a terrific first half, both offensively and defensively but in the third quarter, UE came out with more fire. Second half they outworked us, but that’s one of the characteristics of that UE team, they really work hard all the way to the end,” dagdag ni Arespacochaga.
Sa ikalawang laro, nagwagi ang University of the Philippines Fighting Maroons kontra sa Far Eastern University, 95-82 para umangat sa sosyohan sa ika-apat na puwesto kasama ang kanilang biktimang Tamaraws sa parehong 5-5 win-loss slate.
Tumapos si Paul Desiderio ng 31 puntos, dalawang rebounds, apat na assists at dalawang steals habang 20 puntos, 11 rebounds, pitong assists at dalawang blocks naman kay Bright Akhuetie upang angkinin ang back-to-back win kasunod ng kanilang 94-81 panalo sa UE noong Linggo.