San Beda, Lyceum tatapusin agad ang semis

Preview: NCAA men’s basketball final 4

MANILA, Philippines — Kasado na ang semis tampok ang apat na koponang natira sa double round robin elimination na magbabakbakan para sa dalawang silya sa finals ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament.

Sasambulat ang Final Four bukas sa The Arena sa San Juan City kung saan magtutuos ang se­cond seed Lyceum of the Philippines at Colegio de San Juan de Letran sa ala-1:30 ng hapon kasunod ang engkuwentro ng top pick at defending champion San Beda University at season host University of Perpetual Help System Dalta sa alas-4.

Armado ang Red Lions at Pirates ng twice-to-beat advantage kung saan isang panalo lamang ang kailangan ng dalawang tropa  para muling maisaayos ang kanilang paghaharap sa best-of-three championship series.

Magarbong tinapos ng San Beda ang eliminasyon hawak ang matikas na 17-1 baraha para masiguro ang No. 1 spot.

Pumangalawa naman ang Lyceum bitbit ang 15-3 marka.

Alam ng Red Lions at Pirates na ibang senaryo na ang Final Four kaya’t wala sa isip nito ang ma­ging kampante.

Inaasahang ibubuhos na ng Letran at Perpetual Help ang kani-kanilang buong puwersa para makahirit ng do-or-die game.

Pumangatlo sa eliminasyon ang Knights na nakalikom ng 13 panalo sa 18 laro habang ikaapat naman ang Altas na may 11-7 kartada.

Halos hindi pa makapasok sa Final Four ang Perpetual Help dahil sa posibilidad na forfeiture sa mga laro nito bunsod ng lumabas na eligibility issue.

Napaulat na apat na manlalaro ng Altas ang lumabag sa eligibility rules matapos umanong maglaro sa isang commercial league.

Sa pagtatapos ng eliminasyon, nasa ikalima ang College of Saint Benilde na may dikit na 10-8 rekord.

Ang Blazers sana ang makikinabang ng husto sakaling na-forfeit ang mga laro ng Altas.

Ikaanim ang San Sebastian College-Recoletos at Mapua University na parehong may 6-12 kasunod ang Arellano University (5-13), Emilio Aguinaldo College (4-14) at Jose Rizal University (3-15). (CCo)

Show comments