MANILA, Philippines — Uuwi ang national boxing team bitbit ang isang ginto, isang pilak at isang tansong medalya matapos ang matamis na kampanya nito sa 39th International Tammer Boxing Tournament na ginanap sa Tampere, Finland.
Naibulsa ni Marvin Tabamo ang nag-iisang gintong medalya ng pambansang koponan matapos pagharian ang men’s flyweight 52 kg. category.
Itinarak ni Tabamo ang unanimous decision win laban kay Kirill Serikov ng Estonia sa championship round upang masiguro ang ginto.
Nauna nang tinalo ni Tabamo si Istvan Szaka ng Hungary via unanimous decision win sa semifinals.
Nagkasya naman si Ramel Macado Jr. sa pilak na medalya nang matalo ito sa gold-medal match sa men’s light flyweight division (46-49 kg.).
Umani si Macado ng split decision loss sa kamay ni Aqeel Ahmed ng Scotland sa finals.
Nakahirit naman si Ryan Boy Moreno ng tansong medalya sa men’s bantamweight (56 kg).
Natalo si Moreno kay Enzo Grau ng France sa semis para magkasya sa tanso.
Nauna nang namaalam sa kontensiyon si Sugar Rey Ocana na yumuko kay Hadi Srour ng Norway sa men’s light welterweight (64 kg.).