Mondragon pumagitna na sa isyu nina Almazan at Garcia

Itinakda ni team governor Atty. Mamerto Mondragon ang isang pulong para kina Garcia at Almazan, hindi pa naglalaro para sa Elasto Painters sa 2018 PBA Governor’s Cup sapul noong Oktubre 3.
Jun Mendoza, PBA Media Bureau/File

MANILA, Philippines — Posibleng maresolbahan bukas ang problema nina Rain or Shine coach Caloy Garcia at prized center Raymond Almazan.

Itinakda ni team governor Atty. Mamerto Mondragon ang isang pulong para kina Garcia at Almazan, hindi pa naglalaro para sa Elasto Painters sa 2018 PBA Governor’s Cup sapul noong Oktubre 3.

Ito ay matapos makausap ni Almazan si Mondragon noong Biyernes kung saan niya nailabas ang itinatagong hinanakit kay Garcia.

Inamin ni Almazan, ang No. 3 overall pick noong 2013 PBA Rookie Draft, na mayroon silang hindi pagkakaunawaan ni Garcia kaya hindi na siya sumisipot sa kanilang ensayo at pati sa laro sa season-ending conference.

Makakasama ng 6-foot-8 center sa naturang ‘face-to-face’ nila ni Garcia ang kanyang manager na si Danny Espiritu.

Matatapos ang kontrata ni Almazan, kinuha ni national coach Yeng Guiao sa Team Pilipinas, sa Rain or Shine sa Agosto 31 ng susunod na taon.

Kung hihilingin ni Almazan na siya ay mai-trade sa ibang koponan ay inaasahang hihingi ng malaking kapalit ang Elasto Painters.

Sinabi ni Garcia na napagsabihan lamang niya si Almazan, dati niyang manlalaro sa Letran Knights sa sa National Collegiate Athletic Association (NCAA), ukol sa pagiging tamad nito sa ensayo.

Sa kabila ng hinaing sa kanya ni Almazan ay bukas pa rin si Garcia para sa isang pagkakasundo.

Malaki ang epekto ng pagkawala ni Almazan sa Rain or Shine, kasalukuyang may 2-5 record sa torneo, na kailangang walisin ang huli nilang mga laro laban sa Meralco, Phoenix, San Miguel at NLEX  para makapitas ng tiket sa eight-team quarterfinal round.

Nanggaling ang Elasto Painters sa 84-100 pagkatalo sa sibak nang Columbian Dyip noong Biyernes.

Show comments