MANILA, Philippines — Tinambakan ng Adamson University ang National University, 69-58, para sumosyo sa liderato sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hangad makabangon mula sa dalawang sunod na pagkatalo, agad lumamang ang Falcons ng 16 puntos, 27-11, sa unang yugto at lomobo sa 42-23 sa first half tungo sa kanilang ikaanim na panalo at muling makasama ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa top spot sa parehong 6-2 kartada.
Tumapos si Jerrick Ahanmisi na may 21 points at 3 rebounds, habang may 16 points, 10 rebounds at 2 steals naman si import Papi Sarr para sa magandang umpisa ng Adamson sa second round.
Nagdagdag din ng 11 points si Sean Manganti para sa tropa ni head coach Franz Pumaren.
Hindi rin nagpahuli ang De La Salle Green Archers matapos tambakan ang University of the East Red Warriors, 79-59, para makisalo sa ikatlong puwesto kasama ang Far Eastern University Tamaraws sa parehong 5-3 baraha.
Nagtulung-tulong sina Encho Serrano at Adrei Caracut sa pinagsamang 15 points sa 17-3 rally ng Green Archers sa third period para masungkit ang kanilang panalo.
Samantala, sinuspindi ng UAAP si Arvin Tolentino ng FEU Tamaraws ng dalawang laro, habang tig-isa sina Thirdy Ravena ng Ateneo at Javi Gomez de Liano ng UP Fighting Maroons dahil sa unsportsmanlike foul sa nakaraan nilang laro.