BUENOS AIRES — Hindi na uuwing luhaan ang Team Philippines.
Ito ay matapos angkinin ni Christian Tio ang silver medal sa kiteboarding competition ng 2018 Youth Olympic Games dito.
“My mindset was just to go for it and enjoy,’’ sabi ng 17-anyos na Fil-Norwegian. “Thank you for everyone who supported me, giving all the love.’’
Pumangalawa si Tio sa final race ng men’s kiteboarding noong Linggo mula sa ikaapat na posisyon isang araw bago ang kanyang silver performance sa Club Nautico San Isidro.
Sa katunayan ay nagtabla sina Tio at Toni Vodisek ng Slovenia sa ikalawang puwesto, habang si Deury Corniel ng Dominican Republic ang kumuha sa gold medal nang ipanalo ang tatlo sa anim na karera bago ang final race.
Ilang beses kinansela ang karera dahil sa malakas na hangin.
Dalawang buwan nagsanay si Tio -- tig-apat na linggo sa Dominican Republic at Buenos Aires -- para makondisyon ang kanyang katawan.
“I didn’t suffer from jetlag. I was fully rested after arriving here early,’’ wika ni Tio na sabik nang umuwi sa Pilipinas.
Samantala, natalo naman sina Pinay archer Nicole Marie Tagle at Hendrik Oun ng Estonia kina New Zealand bet Rebecca Jones at Chihchun Tang ng Chinese Taipei, 5-1, sa mixed international event sa Parque Sarmiento archery range.
May tsansa pa ang 17-anyos na pambato ng Dumaguete City na makakuha ng medalya sa pagsagupa niya kay Alyssia Tromans-Ansell ng Great Britain sa round of 16 women’s individual recurve bukas.
Sa golf, humataw naman sina Fil-Japanese Yuka Saso, ang 2018 Asian Games double-gold medal winner, at Carl Janno Corpus ng five-over 75 para sa 18th place sa mixed team event na pinamunuan nina Atthaya Thitikul at Vanchai Luangnitikul ng Thailand sa final round.