MANILA, Philippines — Target ng nagdedepensang San Beda University na masungkit ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage sa Final Four sa pagharap nito sa Arellano University sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Lalarga ang duwelo ng Lions at Chiefs sa alas-4.
Naiwan sa solong pamumuno ang San Beda na may 14-1 baraha.
At kung mananalo ito sa Arellano (5-10), pormal na masusungkit ng Red Lions ang twice-to-beat card.
“The game against Arellano is a character test for our team. We know that even if they are already out of the running for the Final Four, they are still a dangerous team,” ani Lions head coach Boyet Fernandez.
Inaasahang ibubuhos na ng San Beda ang lakas nito dahil tiyak na naghahabol na makakuha ng panalo ang Arellano para bigyan ng magandang exit ang kanilang kampanya.
Nais ng Red Lions na maulit ang kanilang 98-79 demolisyon sa Chiefs sa first round kung saan kumana sa naturang laro si Robert Bolick ng makasaysayang 50 puntos – ang ikalawang best scoring output sa liga sa likod ng 55-point showing ni Lim Eng Beng noong 1974.
Sa kabilang banda, hangad ng Lyceum of the Philippines na makahirit ng playoff para sa twice-to-beat edge laban sa College of St. Benilde sa alas-2.
Bigong makuha ng Pirates ang Final Four incentive matapos yumuko sa Letran noong Biyernes para malaglag sa 14-2. (CCo)