BUENOS AIRES -- Puwersado si table tennis bet Jann Mari Nayre na talunin ang No. 1 player sa under-18 world circuit para buhayin ang kanyang tsansa sa 2018 Youth Olympic Games sa Technopolis dito.
Ito ay matapos magtala ng 1-1 panalo-talo rekord ang 18-anyos na si Nayre.
Unang tinalo ng 18-anyos na si Nayre ang 16-anyos na si Nicolas Burgos ng Chile sa five sets, 11-9, 6-11, 11-9, 11-6, 11-8, sa group stages ng men’s singles preliminaries.
Ngunit nabigo naman si Nayre, ang unang Filipino paddler na nakakuha ng tiket sa Youth Olympic Games, kay Maciej Kolodziejczyk ng Austria, 9-11, 8-11, 1-11, 6-11, sa Group B sa torneong nagtatampok sa pinakamahuhusay na under-18 table netters sa buong mundo.
Kumampanya si Nayre sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur noong nakaraang taon at sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Susunod na haharpin ni Nayre, estudyante ng San Beda University sa Taytay, Rizal, si 2016 Rio Olympian Kanak Jha ng United States, ang No. 1 paddler sa U18 world circuit.
Maliban kay Nayre, bubuksan din ngayon ni Filipino-Norwegian Christian Tio ang kanyang kampanya sa kiteboarding kasunod sina fencer Lawrence Everett Tan, golfers Yuka Saso at Carl Jano Corpus at Filipino-American swimmer Nicole Oliva.