BUENOS AIRES -- Sisimulan ni Jann Mari Nayre ang laban ng Pilipinas sa 2018 Youth Olympic Games sa Table Tennis Arena of the Technopolis dito.
Lalabanan ng 18-anyos na si Nayre si Nicolas Ignacio Burgos ng Chile sa Group B ng men’s singles preliminary stage bago harapin si Maciej Kolodziejczyk ng Austria matapos ang anim na oras.
Isasara ni Nayre, ang unang Filipino table tennis player na nakakuha ng tiket sa YOG na nagtatampok sa pinakamahuhusay na 18-under athletes sa buong mundo, ang elimination round sa pagsagupa kay Khanak Jha ng United States kinabukasan.
Nakakuha siya ng tiket patungo dito sa Argentinian capital matapos manalo sa Rarotonga qualifiers sa Cook Islands noong Hunyo bagama't hindi nakakuha ng medalya sa katatapos na 18th Asian Games sa Indonesia at noong 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Opisyal na binuksan ni Argentina president Mauricio Macri ang ikatlong edisyon ng YOG sa opening ceremony sa Obelisco de Buenos Aires kung saan higit sa 4,000 atleta mula sa 206 bansa ang maglalaro sa 32 sports sa susunod na 13 araw.
Si golfer Yuka Saso, ang 2018 Asian Games double-gold medalist ng bansa, ang naging flag bearer ng bansa.
Ang iba pang miyembro ng Philippine delegation ay sina Filipino-Norwegian Christian Tio (kiteboarding), Lawrence Everett Tan (fencing), Carl Jano Corpus (golf), Nicole Oliva (swimming) at Nicole Tagle (archery).