MANILA, Philippines — Magtatagpo ang finalists noong nakaraang taon na Ateneo Blue Eagles at De La Salle Green Archers ngayon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang unang paghaharap ng magkaribal na Blue Eagles at Green Archers sa season na ito makaraan ang kanilang finals showdown sa 80th season kung saan nagwagi ang Katipunan-based team, 2-1.
Sa pamamatnubay ng bagong head coach na si Louie Gonzales pumapangatlo pa rin ang Green Archers sa standing kasama ang FEU Tamaraws sa parehong 3-2 win-loss kartada habang ang nag-dedepensang Blue Eagles ay nasa ikalawang puwesto sa 4-1 slate sa likuran ng nangungunang Adamson Falcons (5-0).
Bago ang Ateneo-La Salle encounter sa alas-4 ng hapon, magtatagpo muna ang University of Sto. Tomas Growling Tigers at University of the East Red Warriors sa alas-12 ng tanghali.
Mula ng matalo sa Falcons ang Blue Eagles, 70-74 sa kanilang opening game noong Sept. 9, umalagwa ang tropa ni coach Tab Baldwin ng apat na sunod na panalo, ang huli ay sa Tigers, 85-53 noong Sept. 29 sa pangunguna ni Angelo Kouame sa kanyang 20 puntos, 14 rebounds at limang blocks habang tumulong si Thirdy Ravena ng 11 puntos, apat na rebounds at dalawang assists.
Bukod kay Kouame at Ravena, sasandal din si coach Baldwin kina Isaac Go na tumapos ng walong puntos at 11 rebounds at Anton Asistio na gumawa rin ng walong puntos kontra sa Tigers.
Ang Green Archers naman ni coach Gonzales ay galing din sa 22 puntos panalo laban sa UST, 99-72 noong Miyerkules kung saan umiskor si Justine Baltazar ng 22 puntos at 19 mula kay Aljun Melencio habang si Andrei Caracut ay tumulong ng 13 at tig-11 puntos bawat isa habang 13 naman kina Santi Santillan at Jollo Go.