MANILA, Philippines — Matikas na pinabagsak ng Lyceum of the Philippines ang Mapua University, 92-76 upang masolo ang liderato at makadikit sa Final Four incentive sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kumana si reigning MVP CJ Perez ng impre-sibong 20 puntos, 11 assists, tatlong rebounds at dalawang steals para pamunuan ang Pirates sa pagkopo ng ika-14 panalo sa 15 laro.
Nakatuwang ni Perez si Jaycee Marcelino na umani ng 14 puntos, anim na rebounds at dalawang assists gayundin si Mike Nzeusseu na nag-ambag ng 12 markers at anim na boards.
Hindi makalipad ang Cardinals na bumagsak sa 4-11 marka.
Nanguna sa hanay ng Mapua sina Warren Bonifacio na naglista ng 17 points at Justin Serrano na nagsumite ng 15.
Isang panalo na lamang ang kakailanganin ng Lyceum para masiguro ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage.
Sa unang laro, ayaw sumuko ng mga heneral nang pataubin ng Emilio Aguinaldo College ang Arellano University, 78-70 para mapaganda ang rekord nito sa 4-11.
Hindi nagpaawat si Jerome Garcia na humakot ng 25 puntos, anim na rebounds at limang assists samantalang may 15 points at 10 boards si JP Magullano at 14 markers at pitong rebounds si Hamadou Laminou para sa Generals.
“We want to finish the season strong. The good thing now is that were showing teamwork and I can see the desire in the players,” ani Generals mentor Ariel Sison.
Nalaglag ang Chiefs sa 4-10 para tuluyang mamaalam sa kontensiyon.
Apat pa namang Arellano players ang nagtala ng double digits sa pangunguna ni Levi Dela Cruz na may 15 markers subalit nasayang lamang ito.