Posadas nanguna sa 33 bowlers na umusad sa BWC nat’l Finals

MANILA, Philippines — Humataw si national bowler Lara Posadas ng 1946 pinfalls sa 10 games para pangunahan ang 33 pang lady pintopplers sa second round ng 2018 Bowling World Cup National Finals sa Coronado Lanes (Starlanes).

Nagpagulong ang 28-anyos na si Posadas ng limang 200 games -- 245, 233, 214, 213 at 205 -- para tumapos na may 32 pins na kalamangan kay multi-titled Liza del Rosario (1914).

Si Posadas ang kumatawan sa Pilipinas sa BWC international finals sa Shanghai noong 2016 habang hangad naman ni Del Rosario ang kanyang pang-pitong international appearance.

Ang national men's at women's champions ang magsusuot ng Philippine colors sa 54th BWC international event sa Nov. 4-11 sa Sam's Town Center sa Las Vegas, Nevada.

Pumangatlo naman kina Posadas at Del Rosario si national bowler Alexis Sy na nagtala ng 1858.

 Samantala, sasabak naman ngayon ang natitirang 34 male contenders sa 12 games habang ang 34 ladies ay magpapagulong ng 10 games bukas sa Superbowl para madetermina ang top 8 na maglalaban sa national finals sa Biyernes sa Paeng's Eastwood Bowl.

Bumabandera si Nicco Olaivar sa 34-man field kasunod sina RJ Bautista at Merwin Tan.

Show comments