MANILA, Philippines — Umiskor si Juan Gomez de Liaño ng dalawang sunod sa krusyal stretch upang iangat ang University of the Philippines Fighting Maroons sa 67-61 panalo kontra sa De La Salle Green Archers at tuldukan ang three-game losing skid kahapon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos lumayo ang Fighting Maroons ng 14 puntos sa payoff period, biglang umarangkada ang Green Archers ng 13-0 run para lumapit sa 60-63, mahigit 2:29 pa ang nalalabi.
Sumaklolo agad si De Liaño ng isang drive para palawakin sa tatlo ang bentahe at sinundan pa ng isang basket mula sa pasa ni Bright Akhuetie sa huling 44 segundo ang natitira sa laro tungo sa pagsungkit sa morale-boosting win, ang kanilang ikalawang panalo pa lamang simula nang magwagi laban sa UE Red Warrios, 87-58 sa opening day noong Setyembre 8.
“I think we all know our endgame leaves much to be desired but we need these type of games. It was a painful game for us against Adamson. When you lose those games, you lose confidence and the only way to get back is by winning,” sabi ni UP coach Bo Perasol.
Sa malaking panalo, umakyat ang UP sa solo fifth spot sa 2-3 win-loss kartada sa likuran ng Adamson Falcons (5-0), Ateneo Blue Eagles (4-1), FEU Tamaraws (2-2) at sa kanilang biktimang Green Archers (2-2).
Hindi rin nagpahuli ang University of the East Red Warriors matapos tambakan ang Far Eastern University Tamaraws, 90-65 para pumasok sa win-column sa unang pagkakataon pagkatapos ng apat na talo.