Olaivar, 33 pa abante sa BWC nat’l men’s finals

Sumosyo kay veteran RJ Bautista sa itaas ng 80-man field matapos ang 11 games, tinapos ni Olaivar ang nasabing yugto sa pamamagitan ng 193-game.

MANILA, Philippines — Nagpagulong si dating Philippine titlist Nicco Olaivar ng isang 12-game series na 2528 pinfalls para pamunuan ang 33 pang male keglers sa second round ng 2018 Bowling World Cup National Finals noong Sabado sa Coronado Lanes (Starlanes).

Sumosyo kay veteran RJ Bautista sa itaas ng 80-man field matapos ang 11 games, tinapos ni Olaivar ang nasabing yugto sa pamamagitan ng 193-game.

Nagtala naman si Bautista ng mababang 148 game at may 45 pins na agwat kay Olaivar para sa kanyang 2483.

Ang iba pang nasa ilalim ni Olaivar ay sina Merwin Tan (2465), Kenneth Chua (2408) at Maurhic Padawan (2402) sa event kung saan ang maghahari ang kakatawan sa bansa sa 54th BWC International Finals sa Nov. 4-11 sa Sam's Town Center sa Las Vegas, Nevada.

Si Olaivar at ang kanyang grupo ay muling maglalaro ng 12 games bukas sa Superbowl para madetermina ang top eight na maglalaban sa huling araw ng National Finals sa Biyernes sa Paeng's Eastwood Bowl.

Samantala, binuksan nina multi-titled Liza del Rosario at Mades Arles ang 42 pang lady bowlers sa Coronado Lanes.

Ang top 34 finishers matapos ang 10 games ang muling maglalaban sa Miyerkules sa Superbowl para sa third-day action.

Ang ladies' champion ang magsusuot ng Philippine colors sa Las Vegas international event. 

Show comments