Dasmariñas, Plange tabla
MANILA, Philippines — Kagaya ng laban ni Jerwin Ancajas, nauwi rin sa draw ang pagdedepensa ni Michael ‘Gloves on Fire’ Dasmariñas sa kanyang suot na world bantamweight crown.
Napanatiling hawak ni Dasmariñas ang kanyang International Boxing Organization bantamweight belt matapos ang split draw kay challenger Manyo Plange ng Ghana noong Sabado ng gabi sa Marina Bay Sands sa Singapore.
Ito ang unang draw sa professional boxing career ng 26-anyos na si Dasmariñas para sa kanyang 28 wins at 2 losses kasama ang 19 knockouts.
Noong Sabado ay nauwi rin sa draw ang ikaanim na pagtatanggol ni Ancajas sa kanyang hawak na International Boxing Federation super flyweight title kontra kay Mexican challenger Alejandro Santiago sa Oakland, California.
Sa kabuuan ay mas pinalakpakan ng mga boxing fans si Plange (17-0-1) dahil sa kanyang pagiging agresibo at naging maingat naman si Dasmariñas.
Hinintay din ni Dasmariñas na mapagod si Plange bukod pa sa paghahanap ng kanyang pamatay na kombinasyon.
Ngunit hindi ito nangyari para sa tubong Pili, Camarines Sur.
Nakamit ni Dasmariñas ang IBO belt matapos umiskor ng fourth-round TKO victory kay Karim Guerfi ng France noong Abril 20 sa Singapore.
- Latest