Blackwater nakatikim ng talo sa NLEX
MANILA, Philippines — Sa pagbabalik ni Yeng Guiao sa bench ay panalo ang ibinigay ng mga Road Warriors sa kanilang head coach.
Nakakuha ng balanseng produksyon sa mga players, pinasadsad ng NLEX ang Blackwater, 124-106 para sa kanilang ikaapat na panalo sa 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbalik si Guiao matapos igiya ang Team Pilipinas sa fourth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa 18th Asian Games sa Indonesia.
“Credit to coach Yeng. Marami siyang natutunan sa national team, so may iba siyang bagay na idinagdag sa offense namin at maganda naman ang resulta,” sabi ni Larry Fonacier na umiskor ng 24 points tampok ang 6-of-9 shooting sa three-point range.
Tumapos din si import Aaron Fuller na may 24 markers.
Ipinalasap ng Road Warriors ang unang kabiguan ng Elite sa torneo matapos ang franchise-best na 4-0 start.
Samantala, walang iniskedyul na laro sa Biyernes dahil sa pagharap ng Meralco sa Mono Vampire ngayon at kontra sa Alvark Tokyo ng Japan bukas sa 2018 FIBA Asia Champion’s Cup sa Nonthaburi, Thailand.
- Latest