MANILA, Philippines — Mahigit 80 pintopplers ang magtatagisan ng husay sa 2018 Bowling World Cup national title simula sa Sabado sa Coronado Lanes (Starlanes) sa Mandaluyong City.
Kabilang ang mga dating World Cup campaigners na sina RJ Bautista, Raoul Miranda, Paolo Valdez at Jeff Carabeo ang sasabak sa kumpetisyon para angkinin ang karapatan na kumatawan sa bansa sa 54th BWC international competition na gaganapin sa Nobyembre 4 hanggang sa 11 sa Sam”s Town sa Las Vegas, Nevada.
Si Bautista ay sumali sa BWC competition noong 1999 sa Las Vegas at 2012 sa Wroclaw, Poland habang si Miranda ay sumabak sa nasabing international event sa Shanghai, China noong 2016 at si Valdez ay noong 2007 sa St. Petersburg, Russia. Si Carabeo ay kumatawan sa bansa sa BWC noong 2008 sa Hermosillo, Mexico.
Kabilang sa 80 bowlers sa men’s finalists sina Nicco Olaivar, Art Gamolo, Larry Tinio, Dan Enriquez, Simple Villajin, Rey Tejano, Cesar Perez, Alex Santos, Caloy Guitones, Benedicto Aquino Francisco, Rudante Unay at Jerry Bugtong.
Ang top 34 finishers base sa kanilang kabuuang scores ay aabante sa ikalawang araw ng kumpetisyon sa Oct. 2 sa Superbowl. Ang lahat na makakapasok sa quarterfinals, semifinals at finals ay maglalarong muli sa Oct. 5 sa Paeng’s Eastwood Bowl.