BAGUIO City, Philippines — Hinikayat ni Mayor Mauricio Domogan ng host Baguio City ang lahat ng mga local government units (LGUs) na tulungan ang Philippine Sports Commission para lalo pang palakasin ang pagdaraos ng taunang nationwide Batang Pinoy kumpetisyon.
“Everybody should help the PSC. These athletes are our future “cream of the crop” kaya mahalaga itong Batang Pinoy program. Subalit kung hahayaan na lang natin na ang PSC lamang ang gagawa sa lahat ng kailangang gawin mahihirapan din pati tayong mga participants at ang mga atleta natin. Let us all help the PSC and the Batang Pinoy program,” ayon naman kay Domogan.
Sa panig naman ni PSC chairman William “Butch” Ramirez, pinasalamatan niya ang lahat na mga atleta at mga opisyales mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa kanilang tulong sa matagumpay na pagdaraos sa isang linggong 11th Batang Pinoy National Finals na ginanap sa Baguio City Athletic Bowl at sa La Trinidad, Benguet.
Tuluyang inangkin ng Baguio City ang ikalawang sunod na overall title sa kanilang kabuuang 83-81-107 gold-silver-bronze tally kasunod ang Cebu City sa 36-40-44 habang pangatlo ang Laguna (34-13-31) at pang-apat ang Quezon City (29-16-18) at pang-lima ang Pangasinan (24-24-25).
Kabilang din sa top 12 ang Cebu Province (22-10-21), Zamboanga City (19-24-18), Dasmariñas City (19-7-9), Pasig City (17-26-14), Gen. Santos City (15-15-24), Manila (15-7- 7) at Lucena City (14-9-4).