MANILA, Philippines — Humataw ang kabayong Disyembreasais sa huling 200 metro patungo sa isang two-length victory sa 2018 Philippine Racing Commission (Philracom) ‘Lakambini Stake Race’ sa Manila Jockey Club’s San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Linggo.
Ibinulsa ng Disyembreasais ang guaranteed top purse na P900,000 sa nasabing stakes race na itinakbo sa distansyang 1,600m para sa mga locally born 3-year-old fillies na lumahok na sa mga nakaraang Philracom race.
“Ang naging diskarte namin nu’ng trainer (Edwin M. Vittali), antabay lang kami sa likod, hanggang sa magrekta, dire-diretso na pagdating sa dulo,” sabi ni jockey Jordan (JB) Cordova sa kabayo ni Alfredo R. Santos.
Ito ang ikalawang stakes race victory ng Disyembreasais ngayong taon at ikaanim sa kabuuan.
“Si Disyembreasais, maaasahan sa mga ganyang distansiya, lalo na kapag may nagbabakbakan sa harapan. Iyan ang gustung-gusto niya, nakasunod lang,” dagdag ng 35-anyos na hinete.
Sumegunda naman ang Ava’s Dream nina James Albert Dichaves at rider JP Guce para sa premyong P337,500 kasunod ang Polilio Island nina jockey JA Guce at horse owner Wilbert Tan para sa P187,500.
Ang Talitha Koum nina George R. Raquidan at rider RG Fernandez ay tumanggap ng P75,000 bilang fourth placer.
Si Philracom Chairman Andrew Sanchez ang nag-abot ng tropeo sa mga nanalo sa pangunguna nina AR Santos at Vitalli, nagbulsa ng Breeder’s Purse na P60,000 para sa Disyembreasais winning breeder na si Leonardo M. Javier Jr.